MANILA, Philippines – Halos 800 taekwondo practitioners ang lalahok sa tatlong magkakaibang events sa 2016 SMART/MVP Sports Foundation, PLDT Home Ultera National CPJ (Carlos Palanca Jr.) at Kukkiwon Cup championships sa Linggo sa Cuneta Astrodome.
Makikipag-agawan ng tiket sina Francis Aaron Agojo, Samuel Thomas Morrison Harper, Ronna Ilao, Pauline Lopez at Benjamin Keith Sembrano sa national team sa kyorugi (free sparring) competition.
Ang dalawa pang events ay ang poomsae at kyukpa.
Itatampok sa Kyorugi ang Senior (18-anyos pataas), Junior (15-17 years old at Cadet (12-14 years old) fighters, habang hinati ang poomsae sa individual, team and pair na may 13 categories.
Ang mga ito ay ang Cadet (12-14 years old), Junior (15-17), 1st Senior 1-A (18-24), Senior 1-B (25-30), Senior 2 (31-40), Master (41 and above), Cadet Pair, Junior Pair, Senior Pair, Cadet team, Junior team, 1st team at 2nd team.
Ang Kyukpa ay may nakalatag na dalawang events-- hand breaking at foot breaking.
Sinabi ni organizing committee chairman Grandmaster Sung Chon Hong na lalahok ang mga Philippine team members sa Asian qualifying tournament para sa Rio Olympics 2016, sa Asian Taekwondo Championships at sa Asian Poomsae Championships sa April at sa 2016 World Poomsae Championships sa Lima, Peru.