MANILA, Philippines – Isang linggo matapos ang Game Seven sa pagitan ng San Miguel Beer at Alaska Milk sa Philippine Cup Finals ay kaagad bubuksan ng Philippine Basketball Association ang Commissioner’s Cup na magtatampok sa titleholder Talk ‘N Text laban sa Blackwater sa opening game sa Smart Araneta Coliseum sa Feb. 10.
Paparada rin sa opening twinbill ang 2014 Commissioner’s Cup champions na Star Hotshots at Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi.
Inilabas na ng PBA Commissioner’s Office ang iskedyul para sa unang pitong play dates ng mid-season tourney na pinagharian ng Tropang Texters noong nakaraang taon matapos talunin ang Rain or Shine Elasto Painters sa titular series.
Muling kinuha ngTropang Texters si champion import Ivan Johnson para sa kanilang title-retention bid.
Sa Pebrero 12 ay maghaharap naman ang Mahindra at Globalport kasunod ang bakbakan ng Barangay Ginebra at NLEX sa Big Dome. Kinabukasan ay maglalaban ang Talk ‘N Text at Meralco na susundan ng paghaharap ng Star at Rain or Shine sa Philsports Arena.
Ang unang Sunday double-header ay magtatampok sa Ginebra kontra sa Globalport at ang pagtatapat ng Mahindra at Blackwater sa Big Dome sa Valentine’s Day.
Gagawin naman ng Phoenix Petroleum, bumili sa prangkisa ng Barako Bull ball club, ang kanilang PBA debut laban sa NLEX sa Feb. 17 sa Araneta Coliseum.
Magkakaroon ang Alaska ng 16-day rest matapos ang Philippine Cup Finals at makakaharap ang Blackwater sa Feb. 19, habang makakasagupa ng San Miguel ang Mahindra sa Feb. 20.
Samantala, natigil naman ang TNT-Blackwater tuneup match sa Moro Lorenzo Sports Center sa Ateneo campus nang makipagsuntukan si Johnson kina Blackwater players JP Erram at Frank Golla.
“Ivan Johnson lost his cool as he was banged up by the Blackwater players. It was just a tuneup and they were so physical on Johnson. By the fourth quarter, he’s saying ‘this is too much,” sabi ni TNT team manager Virgil Villavicencio.
“He did swing his elbow as he’s saying ‘don’t touch me,” dagdag pa nito.