MANILA, Philippines – Bagama’t umuulan ay itinuloy pa rin ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang kanyang jogging sa rubberized track oval ng sports complex sa Calumpang village sa General Santos City.
Ang pagpapakondisyon ng Filipino world eight-division champion ay bahagi ng kanyang paghahanda para sa kanilang pangatlong pagtutuos ni world welterweight titlist Timothy Bradley Jr.
Bago mag-jogging ay naglaro ng basketball ang 5-foot-6 na si Pacquiao kung saan siya humataw ng 45 points na tinampukan ng 11 three-point shots.
“Basketball has always been part of my daily routine to keep myself in shape. I enjoy it and it helps sustain my speed and stamina,” sabi ng 37-anyos na si Pacquiao na noong Oktubre pa sinimulang maglaro ng basketball.
Sinabi pa ng Filipino boxing superstar na idinagdag niya ang basketball sa kanyang training regimen para maibalik sa dating kondisyon ang katawan niya matapos sumailalim sa isang surgery noong Mayo.
“I decided to include in my training regimen ball dribbling exercise,” sabi ni Pacquiao. “This kind of exercise will further strengthen my hands and forearms.”
Matatandaang nagkaroon si Pacquiao ng torn rotator cuff injury sa kanyang kanang balikat matapos ang unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2.
Sinabi naman ni chief trainer Freddie Roach na gusto niyang makita kung magkakaroon ng epekto sa kanang balikat ni Pacquiao ang gagawin nilang training.
“He plays basketball everyday. He says the shoulder feels great through basketball. I know that’s not boxing. I’m curious to see myself how it is in the first week of training,” sabi ni Roach.
Nakatakdang dumating si Roach sa bansa sa susunod na linggo para sa training camp ni Pacquiao.