MANILA, Philippines – Naitakas ng College of Saint Benilde ang pahirapang 25-22, 25-23, 22-25, 25-22 panalo laban sa San Sebastian College upang matamis na angkinin ang kanilang unang titulo kagabi sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Muling nangibabaw sina open hitter Janine Navarro at middle blockers Ranya Musa at reigning Best Blocker Jeanette Panaga para tulungan ang Lady Blazers na mailagay sa kasaysayan ng pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Pumalo ng 18 puntos si Navarro habang nagdagdag naman si Musa ng 17 kasama ang apat na blocks. Naramdaman rin ang puwersa ni Panaga na bumanat ng 16 puntos tampok ang pitong blocks.
“Masarap ang feeling dahil ito na yung pinakahihintay namin. Lahat ng paghihirap namin nasuklian. Yun ang testament ng team namin, hindi kami sumuko kahit gaano kahirap. Lahat ibinigay nila para makuha namin ito,” pahayag ni St. Benilde head coach Michael Cariño.
Tinapos ng Lady Blazers ang serye tangan ang 3-1 rekord.
Nauna nang nagwagi ang St. Benilde sa Game 1 (24-26, 25-21, 25-19, 25-13) at Game 2 (25-23, 21-25, 25-22, 25-16) habang nanaig naman ang San Sebastian sa Game 3 (25-22, 25-19, 26-28, 25-23).
Nakapagtala ang Lady Blazers ng 47 kabuuang atake at 13 blocks habang nakapagbigay ng 19 excellent sets si team captain Djanel Welch Cheng na engradeng tinapos ang kanyang collegiate career tangan ang makislap na medalya sa kanyang dibdib.
“Same lang ang ginawa namin sa Game 1 and Game 2. Mas nag-enjoy lang kami sa Game 4. Kailangan pag naglalaro ka buong-buo ang puso mo, yun ang importante,” sambit ni Cheng.
Nasungkit ni Panaga ang Finals Most Valuable Player (MVP) award habang kinilala si Cariño bilang Coach of the Year.
Bumandera si back-to-back season MVP Grethcel Soltones na bumira ng 19 puntos para sa San Sebastian samantalang nagdagdag ng pinagsamang 19 puntos sina Denise Lim at Nikka Dalisay.