MANILA, Philippines – Target ng Cafe France na makisalo sa maagang liderato sa pakikipagtipan sa BDO-National University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Bakers at Bulldogs sa unang laro sa alas-2 habang masisilayan naman ang bakbakan ng Wangs Basketball at Mindanao Aguilas sa alas-4.
Naitala ng Cafe France ang kanilang unang panalo matapos iselyo ang 89-65 pananaig laban sa Mindanao Aguilas.
Subalit hindi pa rin kuntento si Cafe France coach Egay Macaraya sa ipinamalas ng kanyang bataan na naglista ng 13 turnovers sa first quarter.
“Gustong maging agresibo ng lahat kaya naging out of control. Hopefully, maka-adjust kami since first game pa lang naman,” ani Macaraya.
Sa kanilang ikalawang laro, umaasa si Macaraya na mas magiging solido ang kanyang koponan na binubuo ng mga beterano at baguhang manlalaro mula sa CEU.