MANILA, Philippines – Nasungkit nina Sean Terence Zamora ng MCUR3 Aquaspeed Sailfish at Andrea Jheremy Pacheco ng Susan Papa Swim Academy ang Presidential Trophy matapos makakuha ng pinakamataas na FINA points sa 89th Philippine Swimming League (PSL) National Series-Mayor Romulo “Kid” Peña Swim Meet na ginanap sa Makati Aquatic Sports Arena sa Makati City.
Naitala ni Zamora ang 569 puntos nang manguna ito sa boys’ 15-over 100m butterfly sa bilis na 1:00.09 para talunin sa naturang parangal sina Lans Rawlin Donato na may 563 (boys’ 15-over 50m butterfly, 27.15), Sean Elijah Enero na may 557 (boys’ 15-over 50m butterfly, 27.26) at Jux Keaton Solita na may 541 (boys’ 15-over 200m freestyle, 2:05.15).
Nagrehistro si Pacheco, na nagsasanay sa ilalim ng paggabay ni coach Alex Papa, ng 554 puntos matapos kunin ang ginto sa girls’ 15-over 50m freestyle sa tiyempong 28.88 segundo.
Naungusan ni Pacheco sina Carmenrose Matabuena na may 523 (girls’ 15-over 100m freestyle, 1:04.62), Julienne Torres na may 466 (girls’ 15-over 200m breaststroke, 2:59.43) at Samantha Ibe na may 462 (girls’ 15-over 50m freestyle, 30.68).
Nagbulsa sina Zamora at Pacheco ng tig-P1,500 premyo.
Itinanghal na overall champion ang MCUR3 Aquaspeed Sailfish na humakot ng 807 puntos kasunod sa ikalawang puwesto ang Diliman Preparatory School na umani ng 693 puntos at ang Wesleyan College of Manila na nakakuha ng 647 puntos para sa ikatlong posisyon.
Pasok sa Top 10 ang Aqua Bats (297), Marikina Aqua Bears (276), Club Manila East Swim Team (274), Camp Aguinaldo Streamline (216), Malabon Swim Club (213), Philippine Navy Dependent (170) at Joey Andaya Seagulls (168).
Sunod na pagtutuunan ng pansin ng PSL ang pagsabak nito sa 2016 Tokyo Nationals Swimming Championship na gaganapin sa Pebrero 4 hanggang 10 sa Japan.
Ipadadala ng PSL ang 10 tankers sa pangunguna nina Zamora at Female Swimmer of the Year top candidate Micaela Jasmine Mojdeh.