MANILA, Philippines – Tiwala ang University of Perpetual Help System Dalta na maipagtatanggol ang kanilang korona dahil mananatiling solido ang kanilang lineup sa susunod na edisyon ng NCAA men’s volleyball.
Tanging tatlong manlalaro lamang ang mawawala sa koponan - sina team captain Bonjomar Castel, Neil Barry Ytorzaita at libero Andy Lloyd Baroy - subalit ilang rookies ang nakahandang punan ang kanilang mababakanteng puwesto, ayon kay Perpetual Help coach Sammy Acaylar.
“I have high hopes next season because we’re getting blue-chip rookies who will fill in the spots that will be vacated. And these rookies I’m mentioning is from our second team and they’re all six-footers,” ani Acaylar.
Sariwa pa ang Perpetual sa matamis na panalo laban sa Emilio Aguinaldo College sa kanilang best-of-three championship series.
Nagwagi ang Generals sa Game 1, 25-22, 14-25, 25-14, 25-16 subalit nakuha ng Altas ang Game 2 (20-25, 25-21, 25-20, 25-19) at Game 3 (25-22, 23-25, 29-27, 22-25, 17-15).
Ito ang ika-11 korona ng Perpetual Help sa liga.
Sa kabuuan, mayroon nang 21 titulo si Acaylar sa Perpetual Help kasama ang walo sa juniors at dalawa sa women’s division.
“I dedicate this to the school, which has given me opportunity and helped me become what I’ve become,” ani Acaylar.
Naging matatag sa armas ng Perpetual Help ang solidong depensa nito sa net upang pigilan ang EAC top spiker at back-to-back MVP na si Howard Mojica na nalimitahan lamang sa 19 puntos kumpara sa karaniwan nang mahigit 20 puntos na kinakamada nito sa bawat laro.