MANILA, Philippines – Hinubaran ng University of Perpetual Help System Dalta ng korona ang Emilio Aguinaldo College sa bisa ng pukpukang 25-22 23-25 29-27 22-25 17-15 panalo sa Game 3 upang masikwat ang kanilang ika-11 korona sa NCAA Season 91 men’s volleyball finals sa The Arena sa San Juan City kagabi.
Nanguna para sa Altas sina Finals MVP Rey Taneo Jr. at Bonjomar Castel na parehong nagtala ng 18 puntos habang nagdagdag sina Relan Taneo at Manuel Doliente ng tig-11 para sa balanseng atake ng koponan.
Matinding depensa ang naging sandata ng Altas matapos itarak ang 16 blocks at 30 digs para pigilan ang matikas na kamada ng Generals.
Hinakot naman ni Howard Moijca ng EAC ang apat na awards - season MVP, Best Spiker, Best Scorer at Best Server - habang nakuha nina Dion Canlas ng Mapua Institute of Technology (Best Digger), John Carlo Desuyo ng San Beda (Best Setter), Ajian Dy ng College of Saint Benilde (Best Receiver), Angelino Pertierra ng Mapua (Best Blocker) at Walt Amber Gervacio ng San Sebastian (Rookie of the Year) ang kani-kanilang parangal.
Samantala, isinalpak ng San Sebastian College ang 25-22 25-19 26-28 25-23 panalo laban sa College of Saint Benilde upang maipuwersa ang rubber match sa women’s side.
Nakakuha ng inspirasyon si Grethcel Soltones sa kanyang ina na personal pang nanood kung saan nagpasabog ito ng 31 puntos upang bitbitin ang Lady Stags sa panalo.
Nakatakda ang do-or-die sa Biyernes sa alas-3:30 ng hapon sa parehong venue.
Naibulsa naman ni Soltones ang season MVP at Best Scorer awards.