Bradley aatake sa balikat ni Pacquiao

MANILA, Philippines – Handa si Timothy Bradley na gawin ang lahat upang makuha ang panalo laban kay eight-division world boxing champion Manny Pacquiao sa oras na magkrus ang kanilang landas sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Posibleng targetin ni Timothy Bradley ang kanang balikat ni Pacquiao na kagagaling lamang sa ilang buwang pahinga matapos ma-injure noong nakaraang taon.

Nang tanungin ng Bo­xingScene.com kung isa ito sa  kanyang game plan, sinabi ni Bradley na “I think the answer would be--what would you do? Come on, let’s think here. You are a smart guy. What would you do? I will do whatever it takes to win.”

Nilinaw naman ng kam­po ni Pacquiao na magaling na ang kanyang balikat at 100 porsiyento na itong handa upang muling lumaban.

Ayon kay Top Rank Promotion chief Bob Arum, nakakuha na ng medical clearance si Pacquiao mula kay Dr. Neal ElAttrache na siyang nagsagawa ng ope­rasyon sa kanang balikat ng Pinoy champion.

“Manny is cleared, it’s a complete clearance from the doctor who performed Manny’s shoulder operation in May last year,” ani Arum.

Ayon pa kay Arum bu­malik na ang dating tikas ni Pacquiao kaya’t posibleng simulan na agad ang paghahanda nito para sa laban.

Show comments