CLEVELAND – Walang nagbago sa Cavaliers sa paghirang sa bago nilang head coach.
Natikman ni Tyronn Lue ang unang kabiguan sa kanyang coaching debut nang kumamada si Pau Gasol ng 25 point at pangunahan ang Chicago Bulls sa 96-83 pananaig sa Cavaliers.
“You can’t be mad when you win and you can’t be mad when you lose” sabi ni Lue, ipinalit kay David Blatt na gumiya sa Cavaliers sa nakaraang NBA Finals at sa pangunguna sa Eastern Conference.
Nagdagdag si Jimmy Butler ng 20 points, habang may 17 si Nikola Mirotic at 15 si Taj Gibson para sa Chicago, nagtala ng 17-point lead sa third quarter at hindi na nilingon pa ang Cavs sa fourth period.
Tumapos naman si LeBron James na may 26 points, 13 rebounds at 9 assists at nagdagdag si J.R. Smith ng 18 points.
Nagtala ang Cavs ng 37 percent fieldgoal shooting at may 9 for 22 clip sa three-throw line.
Nang tumunog ang final horn ay binuska ng kanilang fans ang Cavs.
Bago ito, mas maagang dumating si James sa Quicken Loans Arena kesa dati at halos 40 minutong nagpapawis sa sahig kasama si assistant coach Phil Handy.
Sa iba pang laro, binigo ng Denver Nuggets ang Detroit Pistons, 104-101; tinalo ng Minnesota ang Memphis Grizzlies, 106-101; at giniba ng Charlotte Hornets ang New York Knicks, 97-84.