Sweep sa Aces?

Dinepensahan ni Yancy de Ocampo ng San Miguel si Sonny Thoss ng Alaska sa aksyong ito sa Game  3 ng PBA Philippine Cup sa Lucena nitong Biyernes.

MANILA, Philippines – Wala nang ibang nasa isip ang Alaska kundi ang tuluyan nang walisin ang nagdedepensang San Miguel sa kanilang cham­pionship series para makamit ang pang-15 PBA championship.

Bitbit ang matayog na 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven titular showdown, lalabanan ng Aces ang Beermen sa Game Four ngayong alas-5 ng hapon para sa 2016 PBA Philippine Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.

Inangkin ng Alaska ang Game One (100-91), Game Two (83-80) at Game Three (82-75) para ibaon ang San Miguel sa kanilang seye.

“I’m hoping we can fi­nish it at the Ultra (Philsports Arena) but we’ve talked about how they will not hand us anything,” sabi ni Aces’ coach Alex Compton sa Beermen ni mentor Leo Austria.

Pipilitin ng Alaska na maduplika ang ginawang 4-0 sweep ng Purefoods at Talk ‘N Text sa PBA Finals noong 2010 at 2013, ayon sa pagkakasunod.

Hangad din ng Aces na resbakan ang Beermen na tumalo sa kanila sa nakaraang 2015 PBA Philippine Cup at Governor’s Cup Finals.

Sakaling mawalis ang San Miguel ay matatapos ng Alaska ang pagkauhaw nila sa All-Filipino Cup crown na huli nilang nakamit noong 2000 sa ilalim ng pamamahala ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone.

Huling nagkampeon ang Aces noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa tulong ni import Rob Dozier sa paggiya ni bench tactician Luigi Trillo.

Naging madali para sa Uytengsu franchise ang pagpoposte ng naturang kalamangan sa serye dahil sa patuloy na pag-upo ni back-to-back  Most Valua­ble Player June Mar Fa­jardo para sa San Miguel bunga ng hyperentended left knee injury.

Inaasahang hindi na paglalaruin ni Austria ang 6-foot-10 Cebuano giant kagaya ng kanyang naunang pahayag.

Sa kabila nito ay hindi pa rin nagkukumpiyansa ang Alaska.

“Hindi pa, hindi pa rin tapos. Pero paghahandaan pa rin namin ang Game 4,” sabi ni Aces’ power forward Vic Manuel, muling makakatuwang sina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss, RJ Jazul at Dondon Hontiveros.

Show comments