Para matiyak ang tagumpay ng Pinas Barrios makikipag-usap sa FIBA executive

MANILA, Philippines – Ngayon pa lamang ay gusto nang matiyak ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na magiging matagumpay ang pamamahala ng bansa sa isa sa tatlong FIBA Olympic Qualifying Tournament.

Tatlong oras bago ang draw ceremony sa Martes sa House of Basketball sa Mies, Switzerland ay makikipag-usap si SBP executive director Sonny Barrios kay Predrag Bogosavljev, ang FIBA sport and competitions director, para sa ilang aspeto ng gagawing pamamahala ng bansa sa isa sa tatlong OQT competitions.

Ang pakikipagpulong ni Barrios sa dating Yugoslavian junior player ay galing sa direktiba ni Pangilinan na gustong masimulan kaagad ang paghahanda para sa Olympic qualifier hosting

“Mr. Pangilinan is lea­ving nothing to chance in making sure the staging of the OQT will be a huge success. Concerns like formation of the LOC , ve­nue, transportation, security, hotel accommodations, IT and media accreditation have also been calendared for discussion right after I return,” pahayag ni Barrios.

Iginawad sa Manila, Belgrade (Serbia) at Turin (Italy) ang karapatang magtaguyod ng Olympic qualifying event kung saan maglalaban laban ang 18 bansa.

Hahataw sa naturang Olympic qualifying ang Angola, Canada, Czech Republic, France, Greece, Iran, Italy, Japan, Mexico, New Zealand, Philippines, Puerto Rico, Senegal, Serbia, Tunisia, Latvia, Croatia at Turkey.

Hahatiin ang mga ito sa tatlong grupo sa pamamagitan ng drawing of lots na gaganapin sa Miyerkules. Ang mangunguna sa tatlong hiwa-hiwalay na qualifying event ang siyang papasok sa Olympic Games na idaraos naman sa Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil.

Ngayon pa lang ay ma­rami nang nagtatanong sa tiket upang personal na suportahan ang Gilas.

Show comments