Roach nangangamba sa balikat ni Pacquiao

    Nagtitigan sina Manny Pacquiao at Timothy Bradley Jr. nang magharap sa  press conference kahapon sa New York para sa kanilang trilogy sa Abril 9 sa Las Vegas.  Abac Cordero

NEW YORK CITY -- Ang pinakatatakutang bagay ni Freddie Roach bago ang farewell fight ni Manny Pacquiao ay ang muling masaktan ang kanang balikat ng Filipino fighter at tuluyan nang matalo kay Timothy Bradley.

“I’m worried about that shoulder (being hurt) and if that happened we can end up losing,” wika ni Roach sa press conference sa Madison Square Garden.

Nanggaling si Roach sa Los Angeles para sa press conference at kaagad na nilisan ang Big Apple matapos ang lahat ng bagay para sa promosyon ng April 9 fight nina Pacquiao at Bradley.

Nagtungo si Pacquiao sa kanyang doctor sa Los Angeles noong Martes at sinabi ni Mike Koncz na wala nang dapat ipag-alala sa balikat ni Pacquiao.

“It’s a hundred percent okay,” sambit ni Koncz.

Nagkaroon si Pacquiao ng torn rotator cuff sa kanang balikat ilang linggo bago ang kanilang super fight ni Floyd Mayweather Jr. noong May 2 at muling lumala ang naturang injury sa fourth round.

Halos 11 buwan na ipinahinga ni Pacquiao ang kanyang kanang balikat at handa nang labanan si Bradley sa ikatlong pagkakataon sa MGM Grand.

Kinakabahan naman si Roach na baka maulit ang injury ni Pacquiao bago at sa oras ng laban.

“It (losing) could happen,” ani Roach.

Ngunit naniniwala ang celebrated trainer na muling maipapakita ni Pacquiao ang kanyang pamatay na porma para sa final fight niya.

Nakatakda nang magretiro si Pacquiao matapos ang kanyang laban kay Bradley para tutukan ang pagiging politiko at pagtulong sa kanyang mga kababayan kung mananalo sa Senado sa May 9 elections.

Show comments