MANILA, Philippines – Inilampaso ng National University ang Far Eastern University-Diliman, 67-51 para masungkit ang unang silya sa Final Four ng UAAP Season 78 juniors basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Humatak ng 18 puntos si John Lloyd Clemente habang nagdagdag ng 15 puntos at 11 rebounds si Justine Baltazar upang tulungan ang Bullpups na sakmalin ang ika-10 sunod na panalo nito at higit na mapatatag ang kapit sa solong liderato.
Hangad ng NU na makumpleto ang matamis na 14-game sweep sa eliminasyon upang masiguro ang awtomatikong tiket sa finals kalakip ang thrice-to-beat advantage.
Sa kabilang banda, nagrehistro si Aljun Melecio ng 22 puntos, 11 rebounds, limang assists at tatlong steals para dalhin ang De La Salle-Zobel sa 80-73 panalo laban sa Ateneo de Manila University.
Napalakas rin ng Adamson University ang tsansa nitong makapasok sa Final Four matapos iselyo ang 80-26 demolisyon kontra University of the East.
Umangat sa ikalawang puwesto ang La Salle-Zobel taglay ang 8-2 baraha habang magkasosyo sa ikatlo ang Adamson at Ateneo na may parehong 6-4 kartada.