MANILA, Philippines – Kagaya ng dapat asahan, muling dinumog si Filipino word eight-division Manny Pacquiao ng kanyang mga fans at media nang dumating sa Los Angeles International Airport.
Ang pagtungo ni Pacquiao sa US ay para paingayin ang kanilang ikatlong paghaharap ni world welterweight titlist Timothy Bradley Jr. sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang magiging una at posibleng huling laban ni Pacquiao matapos matalo kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2, 2015.
Sa naturang unanimous decision loss sa 38-anyos na si Mayweather ay nagkaroon si 'Pacman' ng right shoulder injury sa fourth round.
“Excited for this next training camp because I've been resting for almost one year,” wika ni Pacquiao na magsisimulang mag-ensayo sa Pebrero sa General Santos City.
Dalawang linggo bago ang kanilang laban ng 33-anyos na si Bradley ay ililipat nina Pacquiao at chief trainer Freddie Roach ang kanilang training camp sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
“We're going to start training in the Philippines then after one month, come back to LA to finish it,” wika ni Pacquiao.
Nang tanungin ukol sa kondisyon ng kanyang kanang balikat ay sinabi ni Pacquiao na handa na siyang bumalik sa aksyon.
“Shoulder is good. I'm feeling a hundred percent better,” wika ni Pacquiao, makikipagkita kay Bradley sa dalawa nilang press conferences sa Crystal Ballroom sa Beverly Hills Hotel at sa New York City.
Ginulat ni Bradley si Pacquiao sa una nilang pagtutuos noong Hunyo ng 2012 matapos itakbo ang kontrobersyal na split decision victory para agawin ng American fighter sa Filipino boxing superstar ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown.
Nabawi naman ito ni Pacquiao sa kanilang rematch noong Abril ng 2014 nang kunin ang unanimous decision win.