AUBURN HILLS, Michigan - Ipinagdiwang ng Detroit ang pagreretiro ni Pistons great Ben Wallace sa pamamagitan ng panalo laban sa nagdedepensang Golden State Warriors.
Ipinatikim ng Pistons ang ikaapat na kabiguan ng Warriors ngayong season mula sa kanilang 113-95 tagumpay.
Ito ang ikatlong pagkatalo ng Golden State sa kanilang huling tatlong laro.
Pormal na iniretiro ng Detroit ang jersey No. 3 ng four-time defensive player of the year na si Wallace sa halftime.
Kumamada sina Pistons point guard Reggie Jackson at Kentavious Caldwell-Pope ng tig-20 points para pamunuan ang Detroit sa pagtatayo ng double digits lead sa second half.
Ipinoste naman ni center Andre Drummond ang kanyang league-leading 34th double-double sa kanyang 14 points at 21 rebounds.
Tumapos si Warriors point guard Stephen Curry, ang reigning NBA Most Valuable Player at NBA leading scorer, na may 38 points, 5 assists at 7 rebounds.
Ngunit hindi na siya nakakuha ng solidong suporta mula sa iba pang Warriors maliban kay shooting guard Klay Thompson na may 24 points, habang nalimitahan si power forward Draymond Green sa 5 markers.
Naputol ng Golden State ang 19-point lead ng Detroit sa third quarter mula sa 16 points ni Curry.
Sa iba pang laro, tinalo ng Milwaukee Bucks ang Charlotte, 105-92; giniba ng Atlanta Hawks ang Brooklyn Nets, 114-86; tinakasan ng Boston Celtics ang Washington Wizards, 119-117; ginulat ng Philadelphia 76ers ang Portland, 114-89; binigo ng Memphis Grizzlies ang New York Knicks, 103-95 at dinaig ng Utah Jazz ang Los Angeles Lakers, 109-82.