MANILA, Philippines – Humakot agad ng anim na gintong medalya ang Philippine Swimming League (PSL) sa 2016 International School Manila (ISM) Invitational Swimming Meet na ginaganap sa ISM swimming pool sa Taguig kahapon.
Nanguna sa ratsada ng PSL si reigning Male Swimmer of the Year Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas na umani ng dalawang gintong medalya.
Pinagharian ng 15-anyos na si Zamora ang boys’ 50m freestyle matapos ilista ang 24.87 segundo, sapat upang talunin ang American School In Japan (ASIJ) bets na sina Ellit Irwin (25.17) at Declan Falls (25.80) na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Muling umariba si Zamora sa 200m backstroke nang magtala ito ng 2:15.72 para sa gintong medalya. Pumangalawa lamang si Dias Konysbayev ng ISM (2:18.82) habang pumangatlo si Shunsuke Kinoshita (2:23.52).
Nakasiguro rin ng ginto para sa PSL sina Gwangju Universiade veteran Jux Keaton Solita ng UST at sina University of the Philippines Integrated School standouts Drew Benett Magbag, Charize Esmero at Isabel Baclig.
Namayagpag si Solita sa mixed 800m freestyle (8:58.26), nanaig si Magbag sa boys’ 100m breaststroke (1:12.00), wagi si Esmero sa girls’ 200m backstroke (2:29.70) at namayani si Baclig sa girls’ 200m Individual Medley (2:49.07).
Maliban sa anim na ginto, nakasiguro rin ang PSL ng dalawang pilak at dalawang tansong medalya.
Nakapilak si Magbag sa boys’ 200m IM habang tinulungan nito ang PSL team na makuha ang ikalawang puwesto sa 200m mixed medley relay kasama sina Zamora, Trisha Oliveros at Neve Salgado.