MANILA, Philippines – Kumpara sa pinagdaanan ng nagdedepensang San Miguel, mas nakapagpahinga nang husto ang Alaska para sa kanilang finals rematch.
Inaasahan ding mababawasan ang problema ng Aces sa pansamantalang pagkawala ni back-to-back Most Valuable Player June Mar Fajardo para sa Beermen.
Ngunit hindi nagkukumpiyansa si Alaska coach Alex Compton sa kakayahan ng San Miguel, nasa kanilang ika-36 finals appearance at target ang pang-22 korona.
“We have to outwork them in this series if we want to have a chance,” sabi ni Compton. “For sure they will come out with guns ablaze with a lot of energy.”
Magtutuos ang Aces at ang Beermen ngayong alas-5 ng hapon para sa Game One ng 2016 PBA Philippine Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Maagang iniligpit ng Alaska ang Globalport, 4-1 samantalang tatlong sunod na panalo naman ang kinailangan ng San Miguel para sibakin ang Rain or Shine, 4-2 sa kani-kanilang best-of-seven semifinals series.
Sa 90-82 panalo ng Beermen sa Elasto Painters sa Game Six noong Biyernes ay nagkaroon ng left knee injury si Fajardo matapos mabalya ni guard Jireh Ibañes sa 7:11 minuto ng third period.
Sinabi ni San Miguel mentor Leo Austria na maaaring hindi makalaro ang 6-foot-10 na si Fajardo sa una nilang dalawang laro sa serye.
Sa pansamantalang pamamahinga ng Cebuano giant ay inaasahang bibigyan ni Austria ng mahabang playing time sina 6’8 Yancy De Ocampo at 6’3 Gabby Espinas.
Muli namang aasahan ng Alaska sina Cyrus Baguio, Calvin Abueva, JVee Casio, Sonny Thoss, Vic Manuel at Dondon Hontiveros.
Ang Aces ay nasa kanilang ika-29 finals stint at asam ang pang-15 titulo.
Nauna nang tinalo ng San Miguel ang Alaska sa nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup.