MANILA, Philippines – Magtatagisan ang pinakamahuhusay na riders sa bansa sa mas pinatinding Ronda Pilipinas na magsisimula sa Pebrero 20 sa Mindanao.
Upang mas lalong patindihin ang bakbakan para sa naglalakihang papremyo, nagdagdag ang mga organizers ng torneo ng bagong kategorya.
Bukod sa nakasanayan nang road race, nadagdag sa taong ito ang individual time trial at criterium race.
“We need to adapt to the way races are done in the world stage as this project is to groom champions for flag and country,” wika ni Ronda sports development head Moe Chulani sa karerang presinta ng LBC at itinaguyod ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp. habang mga minor sponsors ang Maynilad at NLEX.
Unang masusubukan ang tatag ng mga riders sa pagtatanghal ng Mindanao Leg na lilibot sa Butuan City, Cagayan de Oro, Malaybalay at Manolo Fortich, Bukidnon mula Pebrero 20 hanggang 27.
Sa taong ito, magkakaroon ng magkakahiwalay na kampeon para sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Magsisimula ang Ronda sa Pebrero 20 para sa road race mula sa Butuan City at pabalik.
Kasunod nito ang criterium sa Butuan City sa Pebrero 21 at sa Cagayan de Oro sa Pebrero 23, at ang individual time trial sa Dahilayan, Manolo Fortich sa Pebrero 25 habang isang panibagong criterium ang lalarga sa Malaybalay sa Pebrero 27.
Sa Visayas Leg, idaraos ang Stage One criterium sa Bago City, Negros Occidental sa Marso 11, Stage Two criterium sa Iloilo City sa Marso 13, Stage Three road race mula Ilolilo hanggang Roxas City sa Marso 15, Stage Four criterium at Stage Five ITT sa Roxas sa Marso 17.
Ang Luzon Leg naman ay kapapalooban ng Stage One criterium sa Sta. Rosa, Laguna sa Abril 3, Stage Two ITT mula Talisay hanggang Tagaytay sa Abril 4, Stage Three criterium sa Antipolo City sa Abril 6, Stage Four road race mula Dagupan hanggang Baguio sa Abril 8 at Stage Five criterium sa Baguio City.