SAN ANTONIO-- Pinakaba ng Cleveland Cavaliers ang San Antonio sa kanilang tahanan bago gumamit ng matinding depensa ang Spurs para sa kanilang pinakamalaking panalo sa season.
Nagtala si guard Tony Parker ng 24 points at nag-init ang San Antonio sa fourth quarter para talunin ang Cleveland, 99-95 at manatiling walang talo sa kanilang balwarte.
“Coming into this building, they’re never going to make many mistakes,” wika ni Cavaliers star LeBron James, tumapos na may 22 points.
Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 20 points at 10 rebounds para sa Spurs.
Humakot naman si Tristan Thompson ng 18 points at 14 rebounds sa panig ng Cavs na naunang nanalo ng walong sunod na laro.
Dumiretso ang Spurs (35-6) sa kanilang home winning streak sa 23 games ngayong season.
Ito ang ika-32 sunod na panalo ng San Antonio sa kanilang homecourt simula noong 2015 at naging unang koponan sa NBA history na nagtala ng 10-game winning streak sa anim na sunod na seasons.
Sa Oakland, California, kumamada si Stephen Curry ng 26 points at tinalo ng Golden State Warriors ang Los Angeles Lakers, 116-98 para sa huling laro ni Kobe Bryant sa Oakland.
Naglista si Bryant ng 8 points, 6 rebounds at 3 assists sa loob ng 28 minuto para sa Lakers.
Ibinigay ni Curry sa Warriors ang 84-70 abante mula sa kanyang one-handed breakaway dunk galing sa pasa ni Andre Iguodala sa dulo ng third quarter.