Laro Bukas
(Smart Araneta Cliseum)
5 p.m. San Miguel vs Alaska (Game 1, Finals)
MANILA, Philippines – Imbes na panghinaan ng loob nang magkaroon ng left knee injury si back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo sa third period ay lalo pang nag-init ang damdamin ng mga Beermen.
Tuluyan nang tinapos ng nagdedepensang San Miguel ang kanilang semifinals series ng Rain or Shine nang kunin ang 90-82 panalo sa Game Six para umabante sa Finals ng 2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Isinara ng Beermen ang kanilang best-of-seven semifinals wars ng Elasto Painters sa 4-2 matapos kunin ang huling tatlong laro.
Ito ang ika-36 finals appearance ng San Miguel at target ang kanilang pang-22 PBA championship at muling makakasagupa ang Alaska sa best-of-seven championship series ng komperensya.
Nauna nang pinabagsak ng Beermen ang Aces, pinitas ang unang finals berth matapos sibakin ang Globalport Batang Pier, 4-1 para pumasok sa ika-29 finals stint, sa Finals ng nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup.
Hangad ng Alaska ang kanilang pang-15 korona kung saan huli silang nagkampeon noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa ilalim ni mentor Luigi Trillo.
Bumangon ang San Miguel mula sa 26-41 pagkakabaon sa 4:03 minuto ng second period para makalapit sa 49-52 bago nagkaroon ng left knee injury ang 6-foot-10 na si Fajardo sa 7:11 minuto ng third quarter.
“It’s sad of what happened of June Mar. Kitang-kita ‘yung ginawa kay June Mar, but it’s unintentional,” sabi ni coach Leo Austria.
Nang pumuwesto si 6’1 Jireh Ibañes sa ilalim ay hindi sinasadyang tinamaan ang kaliwang tuhod ni Fajardo, isinakay sa stretcher patungo sa kanilang dugout at hindi na pinaglaro ni Austria.
Mula sa naturang insidente ay kumamada ang Beermen ng 23-9 atake para iwanan ang Elasto Painters, 72-63, sa pagbubukas ng final canto bago ito pinalaki sa 78-65 sa 9:46 minuto ng laro.
San Miguel 90 - Lassiter 22, Santos 15, Fajardo 14, Espinas 9, Ross 8, Cabagnot 6, Tubid 6, Araña 4, De Ocampo 4, Lutz 2.
Rain or Shine 82 - Belga 16, Norwood 14,Ponferrada 14, Chan 11, Ibañes 10, Cruz 6, Ahanmisi 5, Quiñahan 4, Trollano 2, Tiu 0.
Quarterscores: 19-16;, 37 46; 70-63; 90-82.