Nuggets pinigil ang Warriors
DENVER -- Nagposte si Danilo Gallinari ng 28 points at natakasan ng Denver Nuggets ang 38-point game ni Stephen Curry para ipatikim sa Golden State Warriors ang ikatlong pagkatalo nito sa season mula sa 112-110 panalo.
Nagdagdag naman si Will Barton ng 21 points para sa Nuggets, tinapos ang four-game losing skid sa Warriors, habang may 18 si Gary Harris.
Sumakay ang defending NBA champion Warriors (36-3) sa seven-game winning streak makaraang yumukod sa Dallas Mavericks,114-91 noong Dec. 30.
Umiskor si Harrison Barnes ng 18 points kasunod ang 17 ni Klay Thompson para sa Warriors.
Inungusan ng Denver ang Golden State sa 19-5 palitan sa huling 5 1/2 minuto ng third quarter para kunin ang 10-point lead papasok sa fourth quarter.
Nakadikit ang Warriors sa 107-109 agwat sa huling 37.1 segundo ng fourth period bago naagaw ni Gallinari ang bola kay Curry na nagresulta sa dalawang free throws ni Gary Harris para sa 111-107 abante ng Nuggets.
Nagsalpak si Thompson ng isang 3-pointer sa natitirang 3.4 segundo para muling ilapit ang Warriors sa 110-111.
Sa Oklahoma City, tumapos si Kevin Durant na may 29 points at 10 rebounds at sinamantala ng Thunder ang pagpapahinga ng Dallas Mavericks sa kanilang mga starters para kunin ang 108-89 panalo.
Napatalsik si Thunder star Russell Westbrook sa second quarter matapos makuha ang ikalawang technical foul nang makipaggirian kay J.J. Barea.
Hindi nakaiskor si Westbrook.
Naglaro ang Mavericks sa ikalawang sunod na gabi makaraan ang overtime loss sa Cleveland at mas pinili ni coach Rick Carlisle na ipahinga ang kanyang mga regular starters na sina Dirk Nowitzki, Wesley Matthews, Chandler Parsons, Deron Williams at Zaza Pachulia.
- Latest