MANILA, Philippines – Kung kailan bibisita si Floyd Mayweather Jr. sa Pilipinas ay hindi siya ang unang dating nakalaban ni Manny Pacquiao na gagawin ito.
Nauna nang nagpunta sa bansa si Erik Morales, tatlong beses nilabanan ni Pacquiao simula noong 2005 at gumawa ng isang San Miguel Beer commercial kasama si Pacquiao.
Minahal ni Morales ang mga Filipino na tinanggap siya at minsan nang nagbalik sa bansa mula sa imbitasyon ni Filipino industrialist Hermie Esguerra.
Dumalo naman si David Diaz, isinuko ang kanyang WBC lightweight title kay Pacquiao noong 2008, sa birthday party ng Filipino boxer sa General Santos City.
Nakasama ni Diaz ang namayapang si Edwin Valero, ang Venezuelan knockout artist (27 KOs sa 27 fights) na minsan nang binalak itapat kay Pacquiao.
Kinasuhan si Valero ng pagpatay sa kanyang asawa noong 2010 at nagbigti sa kanyang kulungan matapos ang ilang araw. Nagtungo naman si Marco Antonio Barrera, ang Mexican assassin, sa Cebu noong 2013 para sa isang ALA Promotions card at nagplanong magtayo ng boxing gyms sa Manila.
Noong 2014 ay bumisita si American Shane Mosley sa Manila para tumulong sa paglikom ng pondo sa mga biktima ng Typhoon Yolanda.
Ngayon ay si Mayweather ang gustong magpunta sa bansa.
Sinabi ni Alex Ariza, ang dating strength and conditioning coach ni Pacquiao, na may plano si Mayweather na magtayo ng wellness and health centers sa Manila.
Paraan umano ito ni Mayweather para makatulong sa mga Pinoy.