MANILA, Philippines - Siyam na koponan sa pangunguna ng reigning Foundation Cup champion Café France-Centro Escolar ang magtatagisan sa 2016 PBA D-League Aspirants Cup na magsisimula sa Enero 21 sa The Arena sa San Juan City.
Maliban sa Cafe France, aariba rin ang Phoenix Petrolium-Far Eastern University, Jam Liner-University of the East, Banco de Oro-National University, AMA Online Education, Caida-Tiles, Tanduay Light Rhum, Wang’s Basketball, University of the Philippines-QRS/Jam Liner at Mindanao Aguilas sa ikalimang edisyon ng liga.
“With a lot of new players and new teams this season of the D-League should be very interesting and exciting,” pahayag ni PBA Commissioner Chito Narvasa.
Unang aarangkada ang bakbakan sa pagitan ng Caida Tiles at Tanduay sa alas-2 ng hapon kasunod ang duwelo ng University of the Philippines-QRS/Jam Liner at BDO-National University sa alas-4 ng hapon.
Isang simpleng opening ceremony naman ang idaraos sa ala-una ng hapon.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Enero 25 sa pagharap ng Café France kontra Mindanao Aguilas habang magtutuos din ang Phoenix Petroleum at Wangs sa mga larong parehong idaraos sa Ynares Sports Arena.
Sisimulan naman ng AMA ang kampanya nito sa Enero 26 kontra sa Caida sa Ynares Sports Arena. (CCo)