James humataw sa paghiya ng Cavs sa 76ers
PHILADELPHIA — Nagpakita ng tapang ang 76ers, habang idinisplay naman ni LeBron James ang kanyang talento.
Iginiya ni James ang Cleveland Cavaliers sa kanilang pang-pitong sunod na panalo matapos ang 95-85 paggiba sa Philadelphia 76ers.
Dinuplika ni James ang kanyang season high na 37 points at itinaas ang kanyang mga kamay matapos ang ilang malalakas na slam dunks sa harap ng halos 20,000 fans sa Wells Fargo Center.
Nagdagdag din siya ng 9 assists at 7 rebounds sa ika-13 panalo ng Cleveland sa kanilang huling 15 laro.
“They look at me as the leader of this team and I’ve got to be that way all year round,” sabi ni James. “They needed me a lot tonight and I was able to come through.”
Nakadikit ang Philadelphia sa 2 points sa huling walong minuto ng fourth quarter bago muling kumamada si James para sa 2015 runner-up.
Umiskor si Jahlil Okafor ng 21 points sa panig ng Sixers kasunod ang 18 ni Ish Smith na may 10 assists.
Mayroon lamang apat na panalo, ang 76ers ay pang-27 sa NBA sa attendance.
Ngunit nang maglaro si James ay nagkaroon ang Sixers ng near-sellout crowd na 19,226.
Nakalapit ang Sixers sa 79-81 hanggang magsalpak si James ng isang 22-footer, sinikwat ang defensive rebound at tumipa ng dalawang free throws para muling ilayo ang Cavaliers.
Nagdagdag si Kevin Love ng 15 points at 15 rebounds.
Samantala, tinalo ng Memphis Grizzlies ang Boston Celtics, 101-98; binigo ng Houston Rockets ang Indiana Pacers, 107-103; inilampaso ng New York Knicks ang Milwaukee Bucks, 100-88; giniba ng Denver Nuggets ang Charlotte Hornets, 95-92; pinigil ng Portland Trail Blazers ang Oklahoma City Thunder, 115-110; pinasadsad ng Utah Jazz ang Los Angeles Lakers; 86-74 at nakaligtas ang Los Angeles Clippers sa New Orleans Pelicans, 114-111.
- Latest