MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon sa nakalipas na tatlong taon ay muling magkakaroon ng multiple awardees ang Philippine Sportswriters Association para sa PSA Athlete of the Year award.
Itinaas ang bandera ng Philippine sports sa nakaraang taon mula sa kanilang mga panalo, igagawad sa dalawang world boxing champions at isang sumisikat na golfer ang naturang parangal.
Nagtala ng mga panalo sina boxing champions Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. kasama si Asia Tour winner Miguel Tabuena sa taon kung saan naging malimit ang panalo sa hanay ng mga Filipino athletes.
Dahil sa kanilang mga tagumpay ay igagawad kina Nietes, Donaire at Tabuena ang co-Athletes of the Year award sa PSA Annual Awards Night na inihahandog ng MILO at San Miguel Corp. sa Pebrero 13 sa One Esplanade sa Pasay City.
“Nonito Donaire Jr., Donnie Nietes, and Miguel Tabuena again showed and proved to the world what Filipino athletes are made of as proof of their triumph and success in their respective fields last year. As the country’s sources of pride, all three are truly deserving of the Athlete of the Year honor,” sabi ni PSA president Riera Mallari ng Manila Standard.
Ito ang unang pagkakataon sa nakaraang tatlong taon na magkakaroon ng multiple awardees para sa PSA Athlete of the Year award na ibinibigay ng pinakamatandang media organization sa mga karapat-dapat na mga atleta at koponan na gumawa ng kanilang marka sa partikular na taon.
Pinagsaluhan nina Donaire at lady boxer Josie Gabuco kasama ang Team Manila at Ateneo Blue Eagles ang PSA Athlete of the Year honor noong 2012.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na pararangalan si Donaire (2007, 2011, 2012) ng sportswriting fraternity ng parehong award, habang ito naman ang una para kina Nietes at Tabuena.
Matapos maisuko kay Nicholas Walters ang world featherweight title noong 2013 ay umiskor naman si ‘Filipino Flash’ ng second round technical knockout win kay William Prado noong Marso at nanalo kay Anthony Settoul matapos ang apat na buwan.
Tinakasan naman ng 33-anyos na si Donaire si Mexican Cesar Juarez para angkinin ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title sa kanilang laban noong Disyembre sa San Juan, Puerto Rico.
Samantala, binuksan ni Nietes ang 2015 nang maging longest reigning Filipino world champion matapos ungusan ang dating record na pitong taon at tatlong buwan ni boxing great Gabriel ‘Flash’ Elorde.
Matagumpay na naidepensa ng 33-anyos na si Nietes ang kanyang bitbit na 108-lbs belt laban kina Gilberto Parra, Francisco Rodriguez Jr. at Juan Alejo.
Tinalo ni Nietes si Alejo via 12-round unanimous decision sa kanyang US debut sa StubHub Center sa Carson, California.
Sa golf, inungusan ng 22-anyos na si Tabuena si Scott Barr ng Australia sa pamamagitan ng single stroke para kunin ang kauna-unahan niyang Philippine Open championship.
Pinakinang ni Tabuena ang kanyang panalo nang ipasok ang anim na birdies para muling maghari sa Luisita Gold and Country Club sa Tarlac at iposte ang course record.
Ginawa niya ito tatlong buwan bago ang Philippine Open.
Pararangalan din ng sporstwriting association ang mga gold medal winners ng nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.