MANILA, Philippines – Higit sa 50 koponan ang maglalaban sa apat na dibisyon ng 20th Women’s Volleyball League na didribol bukas sa Xavier School gym.
Inorganisa ng Best Center at itinataguyod ng Milo, ang WVL ay isa lamang sa mga longest-running junior volleyball leagues na naghahangad na mapalakas pa ang sport na nahimbing ng ilang dekada.
Sinabi ni Best Center founder at president Nic Jorge, dating national basketball coach, na si Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) president Joey Romasanta ang magiging main guest at speaker para sa opening ceremony.
Idedepensa ng St. Paul College-Makati ang kanilang titulo sa 13 under Developmental Division laban sa 12 pang koponan, habang itataya ng Colegio San Agustin-Makati ang titulo nila sa 13 under Competitive Division.
Samantala, bubuksan ng BEST Center (Basketball Efficiency and Scientific Training Center) ang 2016 sa pagdaraos ng award winning basketball clinics sa tatlong venues simula ngayong araw.
Inaasahang mapupuno ang Ateneo courts ng mga batang gustong sundan ang kanilang mga basketball idols sa paglahok nila sa Saturday-only clinics para sa Preparatory Level at Levels 1-5 mula alas-8:30 hanggang-11:30 ng umaga.
Dadalhin ang clinics, suportado ng Milo, sa Xavier School para sa pang ala-1 hanggang alas-4 ng hapong klase sa Preparatory Level at Leves 1-3.
Ang Sunday classes ay gagawin sa Starmall sa Alabang para sa Preparatory Level at Levels 1-3 simula ala-1 hanggang alas-4 ng hapon.