MANILA, Philippines – Dinungisan ng nagdedepensang Emilio Aguinaldo College (EAC) ang rekord ng University of Perpetual Help matapos isalpak ang 25-20, 25-22, 25-17 panalo kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 91 men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sumandal ang Generals sa matikas na laro ni reigning Most Valuable Player Howard Mojica na bumira ng 20 puntos buhat sa 15 attacks at limang aces habang nagdagdag ng 12 puntos si Kerth Melliza at pinagsamang 15 sina Israel Encina at Hariel Doguna.
Tinapos ng EAC ang eliminasyon tangan ang 9-1 rekord para masikwat ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage sa Final Four.
“Ipinakita lang ng mga bata na gusto nilang manalo. Lumabas ang tunay na laro namin,” wika ni EAC mentor Rodrigo Palmero
Ginamit ni Perpetual Help head coach Sammy Acaylar ang lahat ng kanyang manlalaro subalit bigo itong matagpuan ang tamang kumbinasyon kung saan tanging limang puntos lamang ang naibigay ni team captain Bonjomar Castel habang tig-apat lamang sina Rey Taneo, Patrick Ramos, Neil Ytorzaita at Phillipe Abcede.
Ito ang unang kabiguan ng Altas para mahulog sa ikalawang puwesto tangan ang 7-1 baraha.
Sa juniors, binomba rin ng EAC ang Perpetual Help sa bendisyon ng 25-27, 25-21, 25-21, 21-25, 15-7 panalo upang masiguro ang twice-to-beat sa Final Four.
Naglatag ng 22 puntos si Ralph Joshua Pitogo habang may 18 si Cee-Jay Hicap at 12 si Ederson Rebusora para dalhin ang Brigadiers sa 6-1 kartada.
Bumagsak sa 5-1 ang Junior Altas.
Sa women’s division, nakatiyak ng tiket sa Final Four ang Lady Altas matapos ilista ang 25-20, 25-20, 25-23 panalo kontra Lady Generals.
Umakyat sa 6-2 ang Lady Altas para makasama ang San Sebastian Lady Stags (8-0), Arellano Lady Chiefs (7-1) at College of St. Benilde Lady Blazers (6-1) sa semifinals.