MANILA, Philippines – Umakyat sa siyam na swimmers ang ipadadala ng Philippine Swimming League (PSL) sa Japan para sa 2016 Tokyo Invitational Swimming Championship na idaraos mula Pebrero 4 hanggang 10.
Ito ay matapos madagdag si University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 78 gold medalist Drew Benett Magbag ng University of the Philippines Integrated School sa Pambansang koponang sasabak sa naturang torneo.
Noong nakaraang taon, umani si Magbag ng apat na ginto tampok ang dalawang bagong rekord sa Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia noong Abril. Nakasiguro rin ito ng dalawang pilak sa Japan Invitational Swimming Championship noong Nobyembre.
Kabilang si Magbag sa mga kandidato para sa Male PSL Swimmer of the Year.
Makakasama ni Magbag sa Japan sina Swimmer of the Year candidates Sean Terence Zamora at Jux Keaton Solita ng University of Santo Tomas, Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy at Lans Rawlin Donato ng UP.
Bukod tanging si Female PSL Swimmer of the Year candidate Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque ang nag-iisang isasabak ng Pilipinas sa girls’ category.
Ang 9-anyos na si Mojdeh ay nakapag-uwi ng limang ginto at isang pilak sa 2015 Japan Invitational Swimming Championship.
Kasama rin sa delegasyon si Singapore Invitational Swimming Meet medalist Joey del Rosario ng De La Salle Santiago Zobel School gayundin sina Lowenstein Julian Lazaro at John Leo Paul Salibio.
Lalahukan ang torneo ng matitikas na tankers mula sa host Japan, China, United States, Great Britain, Netherlands at Germany.
“It’s a tough competition. A lot of good swimmers from different countries are expected to participate this time. But we’re glad that we got invited by the organizers. They saw the potential of our swimmers during last November’s competition in Tokyo,” pahayag ni PSL President Susan Papa na siyang mangunguna sa delegasyon kasama sina Secretary General Maria Susan Benasa, coaches Alex Papa at Marlon Dula.