WASHINGTON -- Sinalo ni Kyrie Irving ang naiwang trabaho ni LeBron James para tulungan ang Cleveland Cavaliers sa 121-115 panalo laban sa Washington Wizards.
Humugot si ‘King’ James ng 30 sa kanyang 34 points sa unang tatlong quarters, habang nagsalpak si Irving ng 19 sa kanyang 32 markers sa fourth period para balikan ng Cavaliers ang Wizards na tumalo sa kanila, 97-85, noong December 1 sa Cleveland.
“It was in the front of our mind,” sabi ni James sa kanilang tanging home loss ngayong season. “
Humakot din si James ng 10 rebounds para tulungan ang Eastern Conference leaders na maitayo ang 18-point lead mula sa apat na three-pointers sa third quarter.
Nakatabla ang Wizards sa 95-95 sa 10:53 minuto ng fourth period bago kumamada si Irving para sa Cavaliers, nakahugot kay guard J.R. Smith ng 25 points.
Umiskor si Garrett Temple ng 21 points para sa Wizards, habang nag-ambag si John Wall, ang Eastern Conference player of the month, ng 20 points at 12 assists.
Sa Oklahoma City, nagpasiklab si Kevin Durant sa kanyang pagbabalik aksyon na tumapos ng 26 puntos at humatak ng season-high 17 rebounds para tulungan ang Thunder sa pagposte ng 112-94 tagumpay laban sa Memphis Grizzlies.
Hindi nakalaro si Durant sa huling games ng host team sanhi ng pagkakaroon ng sprained sa kanyang kanang hinlalaki.
Sa iba pang resulta, pinataob ng New York Knicks ang Miami Heat, 98-90; hiniya ng Indiana Pacers ang Orlando Magic, 95-86; pinasuko ng Detroit Pistons ang Boston Celtics, 99-94; giniba ng Toronto Raptors ang Brooklyn Nets, 91-74; pinayuko ng Dallas Mavericks ang New Orleans Pelicans, 100-91; nalusutan ng Denver Nuggets ang Minnesota Timberwolves, 78-74; nanaig ang San Antonio Spurs sa Utah Jazz, 123-98; diniskaril ng Phoenix Suns ang Charlotte Hornets, 111-102 at itinumba ng L.A. Clippers ang Portland Trail Blazers, 109-98.