MANILA, Philippines – Sumandal ang University of Perpetual Help sa matikas na laro ng bench players nito upang hatakin ang pahirapang 23-25, 25-19, 27-29, 25-15, 15-7 panalo laban sa San Beda College kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 91 men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina Relan Tano, Neil Barry Ytorzaita at John Patrick Ramos para tulungan ang Altas na makuha ang kanilang ikapitong sunod na panalo at makalapit sa inaasam na sweep sa eliminasyon.
“Our second group stepped up really big, that was crucial,” wika ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar.
Awtomatikong nakuha ng Perpetual ang tiket sa Final Four at kung makukumpleto nito ang nine-game sweep, agad itong uusad sa finals kalakip ang thrice-to-beat advantage.
Ngunit bago maisakatuparan ang sweep, daraan sa matinding pagsubok ang Perpetual dahil makakaharap nito ang nagdedepensang Emilio Aguinaldo College sa Biyernes at Colegio de San Juan de Letran sa Linggo.
Sa women’s division, ginapi ng Perpetual Help ang San Beda, 25-19, 25-21, 25-22 para mapatatag ang kapit nito sa ikaapat na puwesto taglay ang 5-2 rekord.
Nangunguna ang San Sebastian College na may imakuladang 7-0 marka habang magkasalo sa ikalawang puwesto ang reigning titlist Arellano University at College of St. Benilde na may 6-1 karatada.
Sa juniors, nanatli ring malinis ang rekord ng Perpetual Help nang ilampaso nito ang San Beda, 25-14, 25-19, 25-8 para sa kanilang ikalimang sunod na panalo.
Kinakailangang manalo ng Junior Altas laban sa EAC Brigadiers (5-1) at Letran Squires (2-4) para makasiguro rin ng awtomatikong tiket sa finals.