Junior basketball NU iiwas madungisan sa pagsagupa sa Ateneo sa pagbabalik aksyon sa UAAP
MANILA, Philippines – Matapos ang ilang linggong pahinga, magbabalik-aksiyon ang University Athletic Association of the Philippines Season 78 junior basketball tournament sa Sabado tampok ang apat laro sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap sa unang laro ang University of the East at University of Santo Tomas sa alas-9 ng umaga kasunod ang salpukan ng National University at Ateneo de Manila University sa alas-11.
Magpapatuloy ang bakbakan sa ala-una ng hapon kung saan magtutuos ang Adamson University at University of the Philippines Integrated School (UPIS) habang masisilayan ang duwelo ng De La Salle-Zobel at Far Eastern University (FEU) sa alas-3.
Hawak ng Bullpups ang solong liderato tangan ang malinis na 7-0 rekord.
Nakumpleto ng NU ang first-round sweep matapos sakmalin ang Ateneo, 73-60 noong Disyembre 13 kung saan nanguna sina Justine Baltazar na nagtala ng 18 puntos at humatak ng 16 rebounds at John Lloyd Clemente na kumana rin ng 18 puntos kalakip ang siyam na boards.
Nasa ikalawang puwesto ang La Salle-Zobel at Ateneo na may magkatulad na 5-2 baraha habang ikaapat naman ang FEU at Adamson na may parehong 4-3 rekord kasunod sa ikaanim ang UST (2-5), ikapito ang UPIS (1-6) at ikawalo ang UE (0-7).
- Latest