Kobe-less Lakers bugbog sa Warriors
LOS ANGELES – Matapos ang papilay-pilay na paglakad ni Stephen Curry bunga ng kanyang sore left leg, inisip ni Golden State coach Luke Walton na kailangan ng reigning MVP na magpahinga matapos ang isa na namang malaking panalo ng Warriors.
Alam ni Walton na hindi mapapakali si Curry kapag wala sa loob ng court.
Humugot si Klay Thompson ng 22 sa kanyang 36 points sa first quarter at nagdagdag si Curry ng 17 markers bago siya ipahinga sa fourth period sa 109-88 paggupo ng Golden State sa Los Angeles Lakers.
Ang defending champion Warriors ang naging unang NBA team na nakapagtala ng 33 panalo sa kanilang 35 games.
Nanatili sa laro si Curry matapos magbanggaan ang kanilang mga binti ni Roy Hibbert sa third quarter kung saan nadismaya ang star guard.
Hindi siya nakita sa dalawang laro ng Warriors dahil sa bruised lower left leg noong nakaraang linggo bago nakabalik sa huling tatlong laban ng Golden State para sa kanilang 33-2 start sa season.
Pumayag lamang si Curry na magtungo sa locker room bago magsimula ang fourth quarter kung saan kumamada ang Warriors ng 22 sunod na puntos laban sa Lakers.
Hindi naglaro si Bryant sa ikatlong sunod na pagkakataon dahil sa sore right shoulder sa panig ng Lakers, natapos ang three-game winning streak.
Sa Dallas, nagsalpak si Deron Williams ng isang 3-pointer sa pagtunog ng final buzzer sa second overtime para akayin ang Mavericks sa 117-116 pagtakas laban sa Sacramento Kings.
Ito ang kanilang ika-22 sunod na home victory kontra sa Kings.
Kinuha ni Williams ang inbounds pass mula kay Devin Harris sa natitirang 2.3 segundo at isinalpak ang kanyang game-winning triple.
- Latest