MANILA, Philippines – Inilampaso ng Lyceum of the Philippines University ang Emilio Aguinaldo College, 12-0 para buhayin ang kanilang tsansa sa semifinal round ng 91st NCAA football tournament sa Rizal Memorial pitch.
Sumipa si Mariano Suba ng anim na goals, kasama ang apat sa second half, para akayin ang Pirates sa ikalawang panalo sa limang laro sa ilalim ng No. 4 Generals na may 2-2 baraha.
Tuluyan nang masisibak ang EAC sa semis kung makakaungos ang LPU dahil sa mas maganda nilang goal differential, -22 to -26.
Kasalukuyang may magkatulad na 4-0 marka ang nagdedepensang San Beda at College of St. Benilde, ngunit may mas mahusay na goal differential ang Red Lions kumpara sa Blazers, 58-54.
Nasa ikatlong puwesto naman ang Arellano (4-1).
Iniskor ni Suba ang una niyang goal sa 15th minute kasunod ang ikalawa matapos ang 11 minuto na pinagitnaan ng tirada ni Noli Dollentes sa 11th minute.
Ang dalawang goals ni Beejay Gonzales ang nagbigay sa Pirates ng 5-0 lead sa halftime.
Sa second frame ay apat na goals ang kinana ni Suba para selyuhan ang panalo ng Lyceum.
Ang iba pang umiskor para sa Pirates ay sina Christopher Villanueva at Zynedyne Peñaflor.