MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Manny Pacquiao ang ulat na handa siyang bumalik sa gitna ng ring pagkaretiro niya kung si Floyd Mayweather Jr. ang makakalaban.
Sinabi ni Pacquiao kay Aquiles Zonio ng Philboxing.com, na ang kaniyang ikatlong laban kay Timothy Bradley sa Abril 9 ang kaniyang huling pagsabak sa larangan ng boksing.
Nais tutukan ni Pacquiao ang politika kung saan tatakbo siyang senador sa eleksyon sa darating na Mayo.
“My April 9 fight against Timothy Bradley will be my last. I’m retiring from boxing to focus on my new job,” wika ni Pacquiao kay Zonio.
Sa kaparehong boxing website lumabas ang ulat na kung papayag si Mayweather sa rematch ay handang kumasa si Pacquiao kahit retirado na.
“Wala akong sinabing ganun. Wala namang nag-interview sa’ kin tungkol diyan. Pagkatapos ng laban ko sa April 9, magreretiro na ako sa boxing,” patuloy ng eight-division champion.
Tatakbo sa ilalim ng tiket ni Bise Presidente Jejomar Binay si Pacquiao kung saan kunpiyansa siya sa kaniyang magiging kapalaran.
“Consistent ‘yong ranking natin sa mga surveys. Among the top 10, palagi tayong nasa no. 7 or no. 8. I expect na aakyat pa ang ranking natin lalo na ‘pag naikot natin ang buong bansa."