MANILA, Philippines – Sinakmal ng San Beda College ang Lyceum of the Philippines University, 21-25, 27-25, 25-13, 25-18 upang makalapit sa inaasam na puwesto sa Final Four ng NCAA Season 91 men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Umiskor ng 21 puntos si Mark Christian Enciso mula sa 17 atake, dalawang blocks at dalawang aces para tulungan ang Red Lions na masolo ang ikaapat na puwesto tangan ang 5-3 rekord.
Naiwan sa ikalimang posisyon ang Arellano University na may 4-3 marka. Nakatuwang nito si team captain Alfie Mascarinas na nagdagdag ng 18 puntos gayundin si Gerald Zabala na nag-ambag ng 11 at sina Felix Manliclic at Earl Kenneth Gonzales na may pinagsamang 17.
Nahulog sa 3-5 baraha ang Lyceum upang tuluyang mamaalam sa karera sa Final Four.
Bumida para sa Pirates sina Joeward Presnede at Jhonel Badua na may 28 kabuuang puntos subalit hindi ito sapat para hatakin ang kanilang koponan sa panalo.
Sa women’s division, namayani rin ang San Beda nang patumbahin nito ang Lyceum sa bendisyon ng 21-25, 25-23, 25-15, 21-25, 15-12 panalo.
Umangat sa 3-5 baraha ang Lionesses habang ang Lady Pirates ay nahulog sa 4-4 marka.
Bumira ng 25 puntos si Nieza Viray habang nakapaglista ng 14 si Satrianni Espiritu para sa San Beda.
Nanguna naman para sa Lyceum si Grenlen Malapit na may 13 kasama si La Rainne Fabay na may 10, at sina Jhemil Abadilla at Czarina Orros na may tig-11 na naibigay.
Sa iba pang laro, binomba ng Jose Rizal University and Mapua Institute of Technology, 25-18, 25-23, 25-16, upang pagandahin ang kanilang rekord sa 4-4.
Ang Mapua naman ay lumasap ng ikawalong sunod na kabiguan.