MANILA, Philippines – Ilang beses nakabangon ang Alaska mula sa double-digit deficit, ngunit nanatili sa kanilang porma ang Globalport.
Kumamada si scoring guard Terrence Romeo ng bagong career-high na 41 points, kabilang ang anim na three-point shots, para banderahan ang Batang Pier sa 107-93 panalo sa Aces sa Game One ng kanilang semifinals series para sa 2015-2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena.
“Hindi pa natin masasabi kasi mahaba pa ‘yung series,” sabi ni Romeo sa 1-0 bentahe ng Globalport sa Alaska sa kanilang best-of-seven semifinals wars.
Ipinoste ng Batang Pier ang 18-point lead sa first period hanggang makalapit ang Aces sa 73-79 agwat buhat sa three-point shot ni JVee Casio sa huling 30 segundo ng third quarter.
Humugot naman si power forward Billy Mamaril ng 12 points sa final canto, habang kumamada si Romeo ng 11 para selyuhan ang panalo ng Globalport sa Alaska, ang No. 1 team sa elimination round.
Nauna nang lumamang ang Globalport ng 18 points sa first period bago nakahabol ang Alaska para makadikit sa 42-46 sa huling 1:33 minuto ng second quarter.
Kumamada si Terrence Romeo ng 22 points, tampok dito ang 3-of-5 shooting sa 3-point range, para akayin ang Batang Pier sa 52-42 halftime lead sa Aces.
Samantala, sisimulan ng nagdedepensang San Miguel at Rain or Shine ang kanilang semifinals showdown sa Game One ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Ang Beermen ang nakakuha ng ikalawang automatic semifinals seat nang magtapos bilang No 2 sa elimination round, habang dumaan naman ang Elasto Painters sa quarterfinals at knockout stage.
Sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, one-time MVP Arwind Santos, veteran guard Alex Cabagnot, Ryan Araña, Marcio Lassiter at Chris Lutz ang muling aasahan ng San Miguel katapat sina Jeff Chan, Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan at rookie Maverick Ahanmisi ng Painters.
GLOBALPORT 107 - Romeo 41, Pringle 14, Jensen 12, Mamaril 12, Kramer 6, Semerad 6, Washington 6, Yeo 5, Maierhofer 4, Sumang 1, Peña 0.
ALASKA 93 - Baguio 15, Jazul 14, Manuel 14, Abueva 12, Thoss 12, Banchero 8, Menk 8, Casio 5, Hontiveros 3, Baclao 2, Dela Cruz 0, Dela Rosa 0, Exciminiano 0.
Quarterscores: 29-18, 52-42, 82-74, 107-93.