MANILA, Philippines - Pararangalan sina Kevin Racal ng Colegio de san Juan de Letran at Roger Pogoy ng Far Eastern University ng Pivotal Player awards sa gaganaping UAAP-NCAA Press Corps Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.
Bibigyan ng naturang pagkilala ang dalawang manlalaro matapos ang kanilang impresibong ipinamalas sa finals ng kani-kanilang championship series.
Tinulungan nina Racal at Pogoy ang kanilang mga koponan para tuldukan ang isang dekadang pagkauhaw sa titulo sa NCAA at UAAP, ayon sa pagkakasunod.
Engrandeng tinapos ni Racal ang kanyang college basketball career nang magtala ito ng average na 20 puntos sa best-of-three championship series para tulungan ang Letran na hubaran ng korona ang San Beda College noong Oktubre.
Nagrehistro si Racal ng 28 puntos sa Game 1 kasunod ang pagtarak ng 23 puntos sa 85-82 overtime win sa Game 3 para hatakin ang Knights sa ika-17 korona sa liga.
Sa kabilang banda, nagpasiklab naman si Pogoy matapos magsumite ng average na 14.7 puntos para sa Tamaraws.
Hindi malilimutan ang umaatikabong tres na pinakawalan ni Pogoy sa huling 1:27 sa Game 3 na siyang nagsilbing matatag na pundasyon ng FEU para ilista ang 67-62 panalo laban sa University of Santo Tomas.
Ito ang ika-20 titulo ng FEU sa UAAP.
Ang iba pang ginawaran ng Pivotal Player sa mga nakalipas na edisyon ng Collegiate Awards ay sina Garvo Lanete, Ryan Buenafe, Dave Marcelo, Kirk Long, Art dela Cruz, Alfred Aroga at Anthony Semerad.
Makakasama nina Racal at Pogoy sa listahan ng mga awardees sa taong ito sina FEU head coach Nash Racela at dating Letran mentor Aldin Ayo na pararangalan naman bilang Coaches of the Year.
Nakatakda ring pangalanan ng UAAP-NCAA Press Corps ang Smart Player of the Year at Collegiate Mythical Five.