CLEVELAND--Kumamada si LeBron James ng 29 points para pangunahan ang Cavaliers sa 104-79 panalo at ika-13 sunod na dominasyon sa Orlando Magic.
Nagposte ang Cavaliers ng 31-point lead sa third quarter patungo sa kanilang pangatlong dikit na paggiba sa Magic ngayong season.
Kaagad itinala ng Cavaliers ang 19-4 bentahe bago ito pinalaki sa 29-9 sa dulo ng first quarter.
Nagsalpak si James ng 11-of-18 fieldgoal shooting bukod pa sa hinakot ng 5 rebounds at 3 assists sa loob ng 29 minuto.
Nagbalik naman sa laro si Kyrie Irving para sa kanyang pang-limang pagsalang matapos magkaroon ng broken left kneecap para tumapos na may 13 points, habang kumolekta si Kevin Love ng 10 points at 13 rebounds.
Ang mga starters ng Magic ay nalimitahan sa 20 points kung saan may 11 points si Aaron Gordon kasunod ang tig-10 nina rookie center Mario Hezonja at Shabazz Napier.
Nagtayo ang Cleveland ng 46-17 bentahe bago ito pinalobo sa 79-49 kalamangan mula sa tres ni James sa third quarter.
Sa Sacramento, hindi inintindi ni Sacramento Kings coach George Karl ang naiposteng ika-1,155 na tumabla sa kanya kay Phil Jackson para sa pang-limang may pinakamaraming career victories sa NBA history at mas tinutukan ang kasalukuyang estado ng kanyang koponan.
Nagposte si DeMarcus Cousins ng 32 points at 9 rebounds para ibigay kay Karl at sa Kings ang 142-119 panalo laban sa Phoenix Suns.
Natikman ng Suns ang kanilang pang-walong sunod na kamalasan.
Bago ang panalo sa Suns ay nagmula muna ang Kings sa kabiguan sa 76ers na may pinakamasamang record sa NBA.
Sa San Antonio, tumipa si LaMarcus Aldridge ng 24 points kasunod ang 22 ni Kawhi Leonard at kumonekta ang Spurs ng season-high 13 3-pointers para gibain ang Houston Rockets, 121-103.
Ito ang ika-20 sunod na panalo ng San Antonio sa kanilang balwarte para sa franchise record home start.
Nagtala si Dwight Howard ng 22 points at 11 rebounds at may 17 points si James Harden mula sa 6-for-10 fieldgoal shooting sa panig ng Houston (16-19).
Sa Boston, naglista si center Brook Lopez ng season-high 30 points at 13 rebounds para banderahan ang Brooklyn Nets sa 100-97 panalo kontra sa Celtics.