MANILA, Philippines – Isa pang malaking kaganapan sa palakasan na umani ng atensyon sa buong mundo ay ang plano na isagawa ang 2019 FIBA World Cup sa Pilipinas.
Umusok ang mga mensahe ng pagsuporta sa social media sa itinulak ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pangunguna ng pangulo na si Manny V. Pangilinan, na dalhin ang pinakaprestihiyosong palaro sa basketball.
Pinakamalaking edisyon ng World Cup ang mangyayari sa 2019 dahil nasa 32 bansa ang lalahok mula sa dating 24 nasyon.
Hindi lamang mga Filipino kungdi pati ang mamamayan ng ibang bansa ay nagpadala ng mensahe matapos makita kung gaano kamahal ng mga Pinoy ang basketball.
May malakas man na puwersa ng suporta ay binigyan ng diin ng FIBA Central Board ang mga nakatayong pasilidad at malawak na karanasan na makapagtaguyod ng malalaking kompetisyon sa palakasan tulad ng Olympics, Asian Games at World Championships, na taglay ng China para sa kanila ipagkaloob ang hosting.
Nabigo man ay hindi naman maiaalis sa kasaysayan ng world basketball na ang Pilipinas ang naging kauna-unahang bansa sa Asya na nagdaos ng ganitong kompetisyon sa basketball.
Ito ay nangyari noong 1978 sa Araneta Coliseum at ang China ay lalabas na pangatlong bansa lamang sa rehiyon na magiging punong abala kasunod ng Japan noong 2006.