Triple-double ni Curry nagpahirap sa Kings

Tinirahan ni Stephen Curry ng Warriors ang kanyang bantay at kapatid na si Seth Curry ng Kings.

OAKLAND, California – Naging malamya ang panimula ni Stephen Curry ngunit tumapos na may 23 points bilang bahagi ng kanyang ikaanim na career triple-double at inilista ng nagdedepensang Golden State Warriors ang kanilang pang-29 na panalo sa 30 games ngayong season.

Tinalo ng Warriors ang Sacramento Kings,122-103, na nagtampok sa career-high 14 rebounds at 10 assists ni Curry.

Umiskor naman si Klay Thompson ng 29 points kasunod ang 25 ni Draymond Green para sa Warriors, naipanalo ang kanilang ika-33 sunod na regular-season home games.

Nagposte naman si Omri Casspi ng career-high 36 points at dinuplika ang team record ni Mike Bibby sa kanyang siyam na 3-pointers para sa Sacramento.

Ngunit nalasap pa rin ng Kings ang kanilang pang-11 sunod na kabiguan kontra sa kanilang Northern California rivals.

Sa Phoenix, nagsalpak si Kyrie Irving ng isang 3-pointer sa huling 21.9 segundo para akayin ang Cleveland Cavaliers sa 101-97 panalo laban sa Phoenix Suns.

Ang tres ni Brandon Knight ang nagdikit sa Suns sa 95-96 sa 1:27 minuto ng fourth quarter kasunod ang mintis na jumper ni LeBron James para sa Cavaliers.

Muntik nang mawala sa Cavs ang bola hanggang maibigay ito kay Irving para sa kanyang mahalagang jumper.

Nasa kanyang ikaapat na sunod na paglalaro matapos ang knee surgery, tumipa rin si Irving ng isang 12-foot floater na nagbigay sa Cleveland ng 96-92 bentahe sa huling 1:44 minuto ng laro.

Tumapos si Irving na may 22 points, habang may 17 si J.R. Smith at 16 si Kevin Love para sa Cavs, tinapos ang two-game skid.

Nagdagdag si James ng 14 points.

Pinamunuan naman ni T.J. Warren ang Phoenix sa kanyang 23 points kasunod ang 18 ni Knight.

Sa iba pang laro, tinalo ng Indiana ang Atlanta, 93-87; giniba ng Orlando ang New Orleans, 104-89; dinaig ng Brooklyn ang Miami, 111-105; pinatumba ng Chicago ang Toronto, 104-97; binigo ng Dallas ang Milwaukee, 103-93; dinispatsa ng San Antonio ang Minnesota, 101-95; tinakasan ng Utah ang Philadelphia, 95-91; pinabagsak ng Los Angeles Clippers ang Washington Wizards, 108-91 at tinalo ng Charlotte Hornets ang Los Angeles Lakers, 108-98.

Show comments