MANILA, Philippines – Muling nagkasya si Grandmaster Wesley So sa draw sa kanyang ikapitong pagsalang upang manatili sa kontensiyon sa 2015 Qatar Masters Open na ginaganap sa Aspire Zone sa Doha, Qatar.
Naghati sa puntos sina So at dating world champion GM Ruslan Ponomariov ng Ukraine matapos ang 41 moves ng Ruy Berlin.
Sina So at Ponomariov ay nahulog sa ikaapat na puwesto tangan ang parehong limang puntos. Kasama ng dalawa ang 14 pang manlalaro na nakakuha rin ng limang puntos matapos ang seventh round.
Magkakasalo sa unahan sina GM Magnus Carlsen ng Norway, GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan at GM Sanan Sjugirov ng Russia na may tig- 5.5 puntos.
Umiskor ng malaking panalo si Mamedyarov kay GM Surya Shekhar Ganguly ng India gayundin si Sjugirov na nanaig kay GM Dmitry Jakovenko ng Russia para umangat sa unang puwesto.
Nauwi naman sa draw ang laban nina Carlsen at GM Anish Giri ng Netherlands.
Maliban kina So at Ponomariov, may limang puntos din sina Giri, Xu Yinglun ng China, GM Vladimir Kramnik ng Russia, GM Dariusz Swiercz ng Poland, GM Yu Yangyi ng China, GM Sergey Karjakin ng Russia, GM Pendyala Harikrishna ng India, GM Ni Hua ng China, GM Nils Grandelius ng Sweden, GM Vladimir Akopian ng Armenia, GM Nikita Vitiugov ng Russia, GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam, GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine at International Master Lin Chen ng China.
Kinakailangan ni So na magwagi sa kanyang huling dalawang laro upang mapalakas ang tsansang makuha ang titulo sa torneong may nakalaang $25,000 sa magkakampeon.
Makakasagupa ni So sa eighth round si Lin habang magtutuos naman sina Mamedyarov at Carlsen, Kramnik at Sjugirov, Giri at Ponomariov, Nguyen at Karjakin, Ni at Harikrishna, Grandelius at Yu, Swiercz at Vitiugov at sina Ivanchuk at Akopian.