ORLANDO, Fla. – Nang mangailangan ang Miami Heat ng produksyon sa fourth quarter, hindi nagdalawang-isip si veteran guard Dwyane Wade.
Kumamada si Wade ng 12 sa kanyang 24 points sa huling limang minuto ng final canto para tulungan ang Miami Heat sa 108-101 panalo kontra sa Magic.
Nagposte naman si Chris Bosh ng 24 points at 10 rebounds para sa ikatlong panalo ng Miami sa huling apat na laro, kasama rito ang 94-88 overtime victory kontra sa New Orleans Pelicans noong Christmas Day.
Tumipa si Goran Dragic ng 22 points, habang may 15 si reserve Gerald Green.
Naglista si Wade, ipagdiriwang ang kanyang ika-34 kaarawan sa Jan. 17, ng 7-for-12 fieldgoal shooting at perpektong 10-for-10 clip sa free throw line.
Nagdagdag din siya ng 6 assists.
“Obviously I understand the ball was going to be in my hand a lot (in the fourth quarter) and I understand what that might mean,” wika ni Wade. “I kind of knew where my shots would come from and I got a couple to go, but more importantly, it was about being aggressive.”
Ang 3-pointer ni Green ang nagbigay sa Heat ng 82-81 abante sa huling walong minuto ng laro kasunod ang mga drives at jumpers ni Wade para selyuhan ang kanilang panalo sa Magic.
Sa Portland, umiskor naman si Allen Crabbe ng career-high na 26 points at nalimitahan ng Trail Blazers si LeBron James sa 12 points para gibain ang Cleveland Cavaliers, 105-76.
Humugot si Crabbe ng 21 markers sa first half at tinulungan ang Portland (12-20) na tapusin ang kanilang five-game losing skid.
Nag-ambag si C.J. McCollum ng 16 points para sa Trail Blazers at kumolekta si Mason Plumlee ng 11 points at 14 rebounds.
Sa Phoenix, kinuha ng Philadelphia 76ers ang kanilang ikalawang panalo sa season matapos talunin ang Suns, 111-104, sa likod ng 22 points ni Isaiah Canaan at 17 ni reserve Nik Stauskas.
Nag-ambag si Carl Landry ng 16 points para wakasan ng Philadelphia (2-30) ang kanilang 12-game losing slump para sa kanilang unang panalo matapos noong Dec. 1.
Pinigilan din ng 76ers ang kanilang 23-game road slide simula noong nakaraang season.