MANILA, Philippines – Kung natakasan ng Gin Kings ang Star Hotshots sa overtime noong Biyernes, hindi ang Batang Pier.
Nilusutan ng Globalport ang Barangay Ginebra sa kontrobersyal na 84-83 overtime win sa kanilang knockout game para angkinin ang semifinals berth ng 2015-2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang panalo ang nagtakda sa pagharap ng Batang Pier sa No. 1 Alaska Aces para sa best-of-seven semifinals series.
Nauna nang inungusan ng Gin Kings ang Hotshots sa extension, 92-89, noong Sabado.
Itinulak ni Billy Mamaril ang laro sa overtime nang itabla ang Globalport sa 74-74 sa natitirang 4.1 segundo bago nakadikit ang Ginebra sa 83-84 agwat sa huling 8.0 segundo sa extra period.
Nasukol ng Gin Kings sa harap ng table officials si Batang Pier point guard Stanley Pringle hanggang sa tumunog ang final buzzer.
Mariing inireklamo ni Ginebra coach Tim Cone sa mga referee ang five-second violation sana kay Pringle.
Ngunit nanatili ang final score para sa Globalport.
“We all know Ginebra is a tough team and Coach tim is a good Coach, pero breaks of the game ‘yun eh,” sabi ni Batang Pier mentor Pido Jarencio.
Samantala, lalabanan ng Rain or Shine ang Talk ‘N Text sa isang knockout game ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Ang magwawagi sa pagitan ng Elasto Painters at Tropang Texters ang haharap sa No. 2 San Miguel Beermen, ang nagtatanggol sa titulo, sa best-of-seven semifinals series.
Sinibak ng No. 3 Rain or Shine ang No. 10 Blackwater, 95-90, habang pinatalsik ng No. 5 Talk ‘N Text ang No. 7 NLEX, 90-88, sa quarterfinals noong Sabado
Globalport 84 - Pringle 25, Romeo 23, Washington 13, Yeo 11, Mamaril 4, Kramer 3, Semerad 3, Jensen 2, Maierhofer 0, Peña 0, Sumang 0.
Ginebra 83 - Slaughter 25, Tenorio 18, Devance 12, Caguioa 9, Mercado 9, Aguilar 6, Cruz 4, Ellis 0, Marcelo 0, Thompson 0.
Quarterscores: 18-16; 33-32; 53-53; 74-74, 84-83 (OT).