MANILA, Philippines – Pinatunayan ng Far Eastern University na ang taong 2015 ay taon ng Tamaraws.
Ito ay matapos na matagumpay na maibalik sa kanilang teritoryo ang kampeonato sa UAAP Season 78 men’s basketball tournament.
Malakas na puwersa ang pinakawalan ng Tamaraws para suwagin ang University of Santo Tomas sa kanilang best-of-three championship showdown, 2-1.
Namayani ang Tamaraws sa Game 1 (75-64) subalit naitabla ito ng Growling Tigers sa Game 2 (62-56) bago tuluyang angkinin ng Morayta-based squad ang korona sa bendisyon ng 67-62 panalo sa Game 3.
Tiniyak ng FEU na hindi na maulit ang kanilang karanasan noong nakaraang taon laban sa National University kung saan nagwagi ang Tamaraws sa Game 1 (75-70) bago yumuko sa Game 2 (47-62) at Game 3 (59-75).
Dahil sa tagumpay, higit na napagtibay ng FEU ang kanilang titulo bilang winningest team sa liga tangan ang 20 korona habang nanatili sa ikalawang puwesto ang UST at University of the East na may parehong 18 kampeonato.
Tiwala sa isa’t isa at sakripisyo para sa koponan ang naging matatag na pundasyon ng FEU para maisakatuparan ang kanilang inaasam na panalo.
Siniguro ng graduating players na sina Mac Belo, Mike Tolomia, Roger Pogoy, Achie Iñigo at Francis Tamsi na magiging engrande ang pagtatapos ng collegiate basketball career.
“Tulung-tulong talaga kami. Ang mahalaga kasi sa amin yung title hindi yung individual awards kaya namin nakuha yun. Talagang ibinuhos na namin lahat lalo na nung Game 3,” pahayag ni Belo na siyang itinanghal na Finals Most Valuable Player.
Balanse ang naging atake ng FEU sa buong panahon ng liga dahil sa kakaibang sistemang ipinatupad ni coach Nash Racela.
“Kinausap ko sila na we’ll try to minimize your minutes para medyo fresh ka or I won’t start you first, si ano muna. And I’m happy dahil lahat sila nag-submit even in the crucial Game 3, si Mac and Mike still off the bench,” ani Racela.
Sinabi rin ni Racela na hinog na ang kanyang ilang bataan na magtatapos partikular na sina Belo, Tolomia at Pogoy para tumuntong sa mas mataas na lebel - ang PBA.
“These guys are PBA-ready and I’m optimistic na makukuha sila sa PBA draft,” ani Racela.