MANILA, Philippines – Nang bumulaga ang kanyang pangalan bilang ikaapat na pinagpipilian para sa pinakahuling laban ni Manny Pacquiao ay marami ang nagtaas ng kilay.
Sa kanyang Instagram post ay sinabi ni dating world four-division titlist Adrien ‘The Problem’ Broner na hindi dapat maliitin ang kanyang kakayahan.
“Who ever think this guy will beat me is a dam fool.... I don’t lose to southpaws....#PointBlankPeriod,” wika ni Broner sa kanyang post sa social network.
Kumpiyansa si Broner (31-2-0, 23 KOs) na tatalunin niya si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs), nagmula sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. (49-0-0, 26 KOs) noong Mayo 2.
Itinakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pinakahuling laban ng 37-anyos na si Pacquiao sa Abril 9, 2016 sa Las Vegas, Nevada.
Ang tatlong unang nasa listahan ni Arum para labanan ni Pacquiao ay sina world welterweight titlist Timothy Bradley Jr. (33-1-1, 13 Kos), world light welterweight king Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs) at British star Amir Khan (31-3-0, 19 KOs).
Ang lihim na pakikipag-usap ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, kay Broner ay ibinunyag ng American fighter.
Kaya naman nadismaya si Koncz sa ginawa ni Broner.
Isyu rin ang pagiging manager ni Al Haymon kay Broner.
Si Haymon ay nauna nang idinemanda ni Arum.
“We’re in no rush. Manny and I have sat down and we’ve discussed what we think is the best option for Manny. Before I head back on the 9th (of January) I will sit down with Bob (Arum),” sabi ni Koncz.
Umaasa si Arum na bago matapos ang 2015 ay may mapipili ng kalaban si Pacquiao, tututukan ang kanyang Senatorial candidacy sa susunod na taon.