MANILA, Philippines – Winakasan ng San Beda College ang 15-taon na pagkauhaw sa korona ng men’s lawn tennis.
Ito ay matapos walisin ng Red Netters ang Final Four para angkinin ang kampeonato ng 91st National Collegiate Athletic Association (NCAA) tournament sa Rizal Memorial Tennis Center.
Pinangunahan ni Vince Carlo Ramiscal ang ratsada ng Red Netters sa pagpapatumba sa Colegio San Juan De Letran Knights, 2-1, sa paggupo sa College of St. Benilde Blazers, 2-1, at sa pagdomina sa University of Perpetual Help Systems Dalta Altas, 3-0.
Hinirang si Ramiscal, isang second year Marketing student mula sa Pangasinan, bilang Most Valuable Player ng NCAA tournament.
Ang iba pang miyembro ng San Beda ay sina Eric Fernandez, Andre Tuason at ang Cebuano doubles specialist na si Wishmark “Macoy” Basanal.
Sa juniors play, pinamunuan naman ni 2015 Palarong Pambansa singles gold medalist at three-time MVP Noel Mariano Damian Jr. ng Zamboanga City ang arangkada ng San Beda sa 12-0 record patungo sa pagsikwat sa kanilang pangatlong sunod na NCAA championship.
Ang high school record ay limang sunod sa ilalim ni legendary Bedan coach Henry Diy.
Nakatuwang ni Damian sa pagbulsa sa titulo ay sina Eduardo Bagaforo, Aidyll Ignacio, Dawson Ormoc, Red Directo at Karl Miguel.
Nakamit din ni head coach Jovy Mamawal, iginiya ang San Beda seniors champion squad sa NCAA championship noong 1999-2000 kasama sina national coach Cris Cuarto, lawyer Julius Arca, banker JR Arias, IT specialists Jan Blando at Dodong Filipinas, tennis mentors Mike Paz, Ric Filipinas at marketing executives Ali Serquina at Joel Maligat, ang kanyang pang-19 overall NCAA crown.