HOUSTON – Nag-init ang mga kamay ni James Harden at nagsalpak ng 36 points para akayin ang Rockets sa 102-95 panalo laban sa Charlotte Hornets matapos isuko ang itinayong double-digit lead sa fourth quarter.
Nagtabla ang laro hanggang isalpak ni Harden ang kanyang three-point play na nagbigay sa Houston ng 94-91 abante sa huling 31.6 segundo.
Napigilan ni Houston forward Terrence Jones ang tangkang slam dunk ni Cody Zeller na muling nagbigay ng bola sa Rockets.
Binigyan ng Hornets ng foul si Patrick Beverley na tumipa ng dalawang free throws para makalayo ang Rockets sa 96-91.
Nagtala si Harden ng 16-of-19 shooting sa free throw line at sinelyuhan ang ikatlong sunod na panalo ng Houston matapos ikonekta ang dalawang foul shots sa natitirang 13.9 segundo.
Pinamunuan naman ni Kemba Walker ang Hornets sa kanyang 14 points.
Sa iba pang laro, nanalo ang Washington sa Sacramento, 113-99 at Utah sa Phoenix, 110-89.