MANILA, Philippines – Inilista ni Grandmaster (GM) Wesley So ang kanyang ikalawang sunod na panalo upang makisalo sa liderato kasama ang walong manlalaro sa 2015 Qatar Masters Open na ginaganap sa Aspire Zone sa Doha, Qatar.
Ginapi ng 22-anyos na si So si GM Daniel Naroditsky ng United States sa second round para paangatin ang kanyang puntos sa 2.0.
Kasama ni So sa unahan sina GM Anish Giri ng Netherlands, GM Yu Yangyi ng China, GM Radoslaw Wojtaszek ng Poland, International Master (IM) Daniil Yuffa ng Russia, GM Li Chao ng China, GM David Howell ng England, GM Dariusz Swiercz ng Poland at GM Sethurman Panayappan Sethuraman ng India na umiskor rin ng panalo sa kani-kanilang second-round matches.
Namayani sina Giri kay GM Nils Grandelius ng Sweden, Yu kay GM Nejamin Bok ng Netherlands, Wojtaszek kay IM Lin Chen ng China, Yuffa kay GM Viktor Bologan ng Moldova, Li kay GM Alexander Ipatov ng Turkey, Howell kay GM Antoaneta Stefanova ng Bulgaria, Swiercz kay Alireza Firouzja ng Iran, at Sethuraman kay Harshit Raja ng India.
Nasa grupo ng 1.5-pointers sina top seed Carlsen Magnus ng Norway at second pick Vladimir Kramnik ng Russia matapos magtala ng magkaibang resulta.
Tinalo ni Magnus si GM Chitambaram Aravindh ng India habang nauwi sa draw ang laro ni Kramnik laban kay GM Kacper Piorun ng Poland.
Target ni So na makuha ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtuos kay Howell sa third round ng torneong may nakalaang $25,000 para sa magkakampeon.
Maghaharap din sina Giri at Wojtaszek, Sethuraman at Li, Yu at Swiercz, Magnus at Yuffa, at Kramnik at GM Daniele Vocaturo ng Italy sa kani-kanilang third-round games.