MANILA, Philippines – Umaasa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na madadapuan ng suwerte ang Pilipinas sa gaganaping drawing of lots sa Enero 26 para sa FIBA Olympic qualifying tournament.
Nakatakda ang naturang draw sa House of Basketball sa Mies, Switzerland kung saan ang 18 bansang maglalaro sa Olympic qualifying ay hahatiin sa tatlong grupo.
Hangad ni SBP President Manny V. Pangilinan na maiwasan ang tinatawag na Group of Death upang makaiwas sa maagang pagkakasibak sa torneo.
“If we’re unlucky, we might get the strong teams like Greece and Serbia. That’s beyond my control,” sambit ni Pangilinan.
Sa kasalukuyan, may 15 koponan na ang nasa listahan ng FIBA - Lima mula sa Europe (Czech Republic, France, Greece, Italy at Serbia), isa sa Oceania (New Zealand), tatlo sa Asia (Philippines, Iran at Japan), tatlo sa Africa (Angola, Senegal at Tunisia) at tatlo sa Americas (Canada, Mexico at Puerto Rico).
Makikilala ang tatlo pang bansa sa Enero 19 kasabay ng pag-aanunsiyo ng FIBA sa tatlong bansang tatayong punong-abala sa FIBA Olympic qualifying tournaments na gaganapin sa Hulyo 4 hanggang 10.
Kabilang ang Pilipinas sa anim na pinagpipiliang maging host ng torneo.
Ang iba pang kandidato ay ang Czech Republic, Germany, Italy, Serbia at Turkey.
Kung makukuha ng Pilipinas ang isa sa hosting rights, tiyak na mas magiging ganado ang Gilas Pilipinas na maglaro dahil inaasahang durumugin ang venue ng mga Pinoy fans na tunay na nagbubuhos ng suporta sa oras na sumasabak ang Pambansang koponan sa mga international tournaments.
Napatunayan na ito ng tinaguriang sixth man nang itaguyod ng bansa ang FIBA Asia Men’s Championship noong 2013.
“Having a sixth man in the stadium is a plus for Gilas. And a big plus for Filipino fans and our country,” ani Pangilinan.